BANTAY-SABONG SPECIAL REPORT
SABONG SA PILIPINAS
Bago pa dumating ang mga Kastila sa ating mga baybayin ay naglalaban na ng mga manok an gating mga ninuno. Ayon kay Pigafetta na tagapagtala ni Magellan, “Nang kami ay dumaong sa isla ng Palawan ay natagpuan namin ang mga katutubo na naglalaban ng malalaki, subalit maaamong mga manok na kinakabitan nang pinatalas na kawayan bilang sandata”
Sa isang case study ng Amerikanong si Scott Guggenheim na tumigil sa Cagayan Valley ng halos dalawang taon, nabanggit na ang pagkahilig ng mga Pinoy sa sabong ay ginamit nang mga Kastila upang mas madali mapahalaan at makontrol ang mga Pinoy. Nagtayo ang mga Kastila ng mga lugar na pagsasabungan at nagsilipat naman sa paligid nito ang mga Pinoy. At kung nagamit man ng mga mananakop ang sabong sa atin, may mga palatandaan at basehan na nagamit din natin ang sabong upang makamit ang kalayaan. Sa isang bahagi ng nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere na Ang Sabungan, mababasa ang ganito, “Nang lumapit ang magkapatid na Tarsilo at Bruno kay Lucas, hindi sila nabigo. Sila ay binigyan ng tig- P30.00 sa kasunduang sasama sila sa pagsalakay sa kuwartel. Kapag sila ay nakapagsama pa, tig-sasampu uli sa bawat maisama nila. Kapag nagtagumpay sila sa gagawing pagsalakay, may tig-P100 ang mga kasama nila at sila naman ay tig-P200 ang tatanggapin. Tumango sila pareho sa lahat ng kondisyon.”
Nang dumating ang mga Amerikano ay ginawa din nila ang lahat ng paraan upang ilayo ang mga Filipino sa sabong, subalit, nabigo sila. Sa pamamahala ng mga Kano ay maraming aklat ang nasulat na nagpapahayag o bumabatikos sa pagkahilig ng Pinoy sa sabong. Kasama na dito ang kasabihan na “kung nasusunog umano ang bahay ng isang sabungero ay mas una nitong ililgtas ang kanyang manok bago ang kanyang maybahay”
Sinubok din ng mga Kano na pasikatin ang larong baseball ditto sa atin upang mailayo ang atensiyon natin sa sabong subalit wala rin nangyari at patuloy na tinanggap at lumaganap ang sabong sa Pilipinas.
Noong 1974, dalawang taon matapos ideklara ni Ferdinand Marcos ang Martial Law, ay nilagdaan ang Presidential Decree 449 o ang Cockfighting Law of 1974
SABONG SA DEKADA 80
1981 nang maitatag ang Philippine Gamefowl Commission sa pamamagitan ng Presidential Decree 1802.
Ang dekada-80 ang panahon na kinakitaan ng kakaibang sigla ang sabong. Ang pamamayani ng mga matatawag na Filipino breeds tulad ng Lemon 84, Mitra Blues at Zamboanga Whites ay nagbigay-kulay at pag-asa sa larangan ng sabong.
Sa panahon ding ito pumaimbulog amg mga personalidad na mga kinilalang mga bituin ng sabong.
Nabuksan din at nagsulputan ang mga bagong sabungan tulad ng San Juan Coliseum, Cavite Coliseum at Roligon Mega Cockpit na nagtanghal ng mga record-breaking events na nagpatingkad pa sa kontribusyon ng Araneta Coliseum na World Slasher Cup.
SABONG SA DEKADA 90
Ang pagkakapasa ng Local Government Code of 1991, na nagbuwag sa Philippine Gamefowl Commission at nagbigay sa mga lokal na pamahalaan ng ganap na awtoridad at kapangyarihan sa sabong ay naging daan upang lumuwag ang mga restriksiyon sa sabong at lalo pang lumaganap ang sabong.
Lalong dumami ang mga sabungan.
Sa panahon ding ito naglabasan ang maraming mga babasahin tungkol sa sabong tulad ng Pinoy Sabungeo Magasin; Sabong Magasin; Birds & Steel at Philippine Cockfights Newsmag. Naumpisahan din ang tv program na Tukaan.
Dekada-90 din ng nag-umpisang lumabas ang mga espesyal na patuka at mga gamot para sa manok-panabong tulad ng Thunderbird Power Feeds at Lakpue Drug.
Ang pagdami ng mga sabungan ay nagresulta sa matinding kumpetisyon na nagbigay-daan sa mga matitinding promosyon na nagbigay ng mga malalaking ganitimpala, kahit maliit lamang ang mga entry fees katulad ng mga debies na Hatawan sa Tag-ulan at Largahan ng Roligon Mega Cockpit.
2000 HANGGANG SA KASALUKUYAN
Hindi maikakaila na ang pinakamalaking kaganapan sa pagpasok ng ikalawang sentenyal ay ang pagkakatatag ng National Federation of Gamefowl Breeders na nagbuklod sa mga dati nang breeders’ associations at nagbigay inspirasyon upang ang mga nagpapalahi ng manok-pananbong sa iba pang rehiyo at lalawigan ay magtayo din ng kani-kanilang mga samahan.
Ang taunang Bakbakan National Stag Derby nang NFGB naman ang nagturok ng masustansiyang bitamina sa sabong na biglang nagpalakas at nagpasigla dito. Inumpisahan noong 2000, patuloy na tumaas ang dami ng mga lumalahok taon-taon hanggang sa umabot na sa 1,274 noong 2006 at 1,463 naman noong 2007 kung saan P15 milyon na ang kabuuang premyo.
Sumunod ay ang pagluluwag sa importasyon ng mga manok-panabong mula sa Amerika. Kung noon dati ay ang mga kalahok lamang sa international derby ang maaring magpasok ng manok, napayagan na na sinuman na ang manukan o farm ay nakareshitro sa Bureau of Animal Industry ay maari nang mag-import ng manok. Ito ang naging daan ng pagdagsa ng mga imported na breeding stocks na nag-angat sa mga ordinaryong mananabong na makapantay sa mga bigtime na sabungerong dati ay nakalalamang ng malaki dahil sa lahi, galing at tibay ng kanilang mga manok-panabong. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nabalanse ang tiyansa ng panalo ng mga “meron” at ng mga “wala”.
Sa kasalukuyan ay nasa pimakamasaya, pinakamasigla at pinakamaunlad na estado ang Philippine cockfighting.
May apat na telebisyon program sa free tv (Tukaan, Sagupaan, Pilipinas Sabong Sports at Hataw Pinoy) at dalawa naman sa cable (Sultad at Sabong Pinoy).
May pitong magazines ang nasa sirkulasyon (Sabong Star; Fightingcock; Pit Games; Cockfights; Llamado; Sabong Pinoy at Sagupaan). Idagdag pa rito ang pahayagan Larga na inilunsad noong Oktubre 2007.
Naging dalawa ang pederasyon ng itatag ang United Gamecock Breeders Association ng mga grupong tumiwalag sa NFGB.
Sa kasalukuyan ay binubuo na ng 24 na asosasyon ang NFGB na maari pang umabot ng 30 kapag naaprubahan ang aplikasyon ng 6 pang bagong samahan na nais maging kasapi ng nito.
Sa ngayon ay tinatayang may 15 milyon sultada o labanan ng manok ang nagaganap taon-taon na nangangahulugan ng 30 milyon manok-panabong. Ang numerong ito ay pinatutunayan ng pagpasok ng malalaking kumpanya sa negosyo ng gamefowl feeds at medicine.
Maliban sa Thunderbird Power Feeds ng ay pumasok na din ang Sagupaan ng sikat na sabungerong si Patrick Antonio; Derby Ace ng B-meg (San Miguel Corp.); Purina (Cargill); Supremo Feeds ng Robichem (Gokongwei Group); Ninja Feeds (Lucio Tan Group); Panabong Feeds ng Vitarich (Sarmiento Group); Raptor (CJ Feeds); Power Bullets (Feedmix) at marami pang maliliit na iba.
Maliban sa Univet ng Unilab at Lakpue Drug ay pumasok na rin ang Excellence Gamefowl Specialists; Tynor Laboratories; Asvet; Ave Science; Bayer; Novartis atbp.
Araw-araw na ngayon ang sabong at may mga sabungan pa katulad ng Cainta Coliseum na may mga pagkakataon na nag-uumpisa ng ika-2 ng umaga dahil sa dami ng kasali.
Sa halip na World Slasher Cup lamang ay umaabot na ng lima hanggang anim ang ginagawang international derby taon-taon.
Buhay na buhay ang sabong. Hindi maikakaila na libo-libong pamilya ang nabubuhay sa gamefowl industry.
Nariyan ang mga direktang nakikinabang : mga gamefowl breeders; mga handlers; mga mananari; mga cockpit owners (may mahigit na 2,000 sabungan sa buong bansa); mga cockpit operators; mga derby promoters; mga empleado ng sabungan; mga poultry supply store owners at mga tauhan nila; mga kristo; mga vendors sa loob at labas ng sabungan; mga feed millers at mga gamefowl vetmed producers; mga gumagawa at nagbebenta ng tali, tari, kahon, folding pens, gloves, carrying cases, painuman, baina, kulungan at marami pang ibang gamit sa pagsasabong at pagpapalahi at pagpapalaki ng mga manok.Napakami nila.
Napakarami rin ang nakikibang dahil sa kanilang paghahanapbuhay sa mga industriyang binubuhay ng sabong katulad ng mga kawani at mga trabahador sa mga gamefowl feeds at vetmed companies; mga restaurant at iba pang establisimento na nakapaligid sa mga sabungan at tiantangkilik ng mga sabungero; mga airlines na pinagkakargahan ng daan-daang manok-panabong araw-araw; mga local government tulad ng Bacolod City na kumikita ng malaking buwis mula sa benta ng manok-panabong.
BAKIT MAY MGA NAIS NA MAPATIGIL
ANG SABONG
Marahil ay napanood ninyo sa telebisyon o nabasa sa mga pahayagan ang eksenang ito na naganap sa harapan ng Araneta Coliseum noong Enero 29, 2008 habang ginaganap ang unang araw ng 2008 World Slasher Cup-I 8-Cock International Derby.
Ang nagsagawa ng nasabing umano’y isang demonstrasyon ay dalawang miyembro ng PETA o People for the Ethical Treatment of Animals, na ayon sa kanilang spokesperson na si Jennelyn Tagasa ay “nasasaktan na ang mga manok” kaya raw dapat na natin tigilan ang pagsasabong.
Ang PETA at ang HSPCA o Humane Society for the Prevention of Cruelty to Animals ay mga samahan na siyang nakapagpatigil ng sabong sa Amerika na makukumpleto na sa Agosto 2008 kapag naging bawal na din ang sabong sa State of Louisiana - na siyang pinakahuling lugar na lamang sa U.S. kung saan nakapagsasabong pa sila sa kasalukuyan.
Marami pos a ating mga Sabungerong Pinoy ang magsasabi na, “Aba, malabong matigil ang sabong sa Pilipinas, sikat na sikat yata ang sabong dito”
May katotohanan po ‘yan, subalit alam ba ninyo kung gaano kasikat ang sabong sa Amerika noong araw. Suriin po natin :
a) Bagama’t marami tayong Congressmen na mga sabungero at mayroon tayong mga Senador na mahilig sa sabong, hindi pa tayo nagkaroon ng Pangulo na sabungero. Samantala ang mga unang Presidente ng Amerika ay mga sabungero katulad nila Geroge Washington; John Adams at Abraham Lincoln na nakuha ang taguring “Honest Abe” dahil sa kanyang pagiging magaling at tapat na sentenciador. Siya rin ang nagdeklara na, “As long as the Almighty has permitted intelligent men, created in his likeness, to fight in public and kill each other while the world looks on approvingly, it’s not for me to deprive the chickens of the same privilege”
b) Noong una, ang sabong ay ginagawa mismo sa White House bilang bahagi ng entertainment para sa mga panauhin ng bansa (state guests).
c) Ang TANDANG o ROOSTER ay natalo lamang ng isang boto ng AMERICAN BALD EAGLE nang pinagbotohan kung alin ang magiging national bird ng Amerika at mapapasama sa mga emblem o sagisag ng kanilang matataas na pinuno.
d) Kung dito sa atin ay ginagawa ang sabong sa Araneta Coliseum, dapat din nating malaman na ang malalaking derbies noon sa Amerika ay ginaganap mismo sa Madison Square Garden.
Ipinapahayag ng PETA at HSPCA na ang kanilang kinakampanya ay ang pagmamahal sa mga hayop, malalaman natin sa mga website na http://www.activistcash.com/organization_overview.cfm/oid/136 at sa http://petakillsanimals.com/ kung gaano karaming hayop ang pinapatay ng mga nasabing grupo. Malinaw na kumikita na malaking halaga ang mga grupong ito dahilan sa kanilang kampanya at magpapatuloy sila hanggang sa mya nakakalap silang mga donasyon.
Sa ilang mga television programs, lalo na ‘yung mga pambata, ay gumagastos ang mga kalaban ng sabong at maingat na ipinatutupad ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng paglason sa kaisipan ng ating mga kabataan na pinaniniwala nilang masama ang sabong.
Gumagamit sila ng mga artista at mga modelo upang maikalat ang kanilang nais at makakuha ng simpatiya.
BANTAY-SABONG
Ang pagbabago ng estratehiya ng mga kalaban ng sabong na dati ay patago lamang ang pagkilos, samantalang ngayon ay hayagan na ang pagbangga sa mga sabungero ang nagtulak sa ilang mga nagmamahal sa sabong na ilunsad ang Bantay-Sabong.
Bagama’t marami nang mga samahan ng mga breeders at mga cockers ngayon sa ating bansa, nakita ng mga nagtatag ng Bantay-Sabong ang pangangailangan ng isang samahan na direkta rin na makikipaglaban sa mga nais magpatigil ng sabong at mabantayan ang mga kilala at maipluwensiyang mga tao o grupo na nagpapahayag ng hindi pagsang-ayon sa sabong.
Layunin ng Bantay-Sabong ang Magbantay, Magtanggol at Magpatibay sa Sabong at lahat ng may ganitong paninindigan at pananaw ay inaayayahan namin na sumapi sa Bantay-Sabong.
Sa kasalukuyan po ay mayroong nang halos 300 ang kasapi ng Bantay-Sabong na binubuo ng nagmamahal sa sabong mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas at mga sabungerong OFW na nakabase sa kung saan-sang bansa na lumahok sa pamamagitan ng internet.
Sa lahat po na nais maging isang Bantay-Sabong mangyari pong tumawag o magtext kayo sa telepono 0917-2456608 o kaya ay mag-email sa bantaysabong@gmail.com
Wednesday, March 19, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment